Skip to main content

VALENZUELA CITY, USA

Celebrating 25 Years Of Service

Home
About Us
Message Of The President
History Of Valenzuela
Historical LandMarks
Polo The Beautiful
Board Of Directors
Members
Poems & More
Tribute To Resty Bautista
Memory Of Alice Bautista
Ako Ay Pilipino
Ang Huling Pangako
Dekada Singkwenta
Pamamaalam
Ating Kapisanan
Remember Ondoy
Life After Retirement
Reflection By Lorena m. E
In The Course of Life
Remembering Tatay Pito
Tula Para Kay SID
In Remembrance Of Emil Me
Valenzuela..Noon & Ngayon
Gabay Ng Tahanan
Meetings and Activities
Northern California
Photo Gallery
Video Gallery
In Loving Memory
Bulletin Board
The Link
Contact Us
Member Login

PAGBABALIK-TANAW

Tula Ni Ramon C. Marcelino

Polo Elementary School Class Of 1955

 

Nang ating panahon bilog na ang mundo

At ang mga tao di na mukhang tsonggo

Tayo’y magaganda at matatalino

Sa anumang gawa madaling matuto

 

Sa mga babae di pa uso ang bra

Ang kanilang suot ay kamison na seda

Sa mga lalaki ang brief ay wala pa

Karaniwang gamit kansolsilyong katsa

 

Ang mga sombrero ay pawang balanggot

Panglaban sa ulan itong salakot

At sa paa naman ang palaging suot

Ay yari sa kahoy bakyang pudpod

 

Itong ating bayan payak at tahimik

Wala kang pangamba sa mga panganib

Bihirang umiral ang lungkot at inggit

Mga mamamayan magkakapit-bisig

 

Noon ay maliit ating munisipyo

May apat na pulis at dalawang preso

Wala pa noon ang mga bumbero

Alisto sa sunog ang mga taong baryo

 

Mga pulis noon sandata’y batuta

Ang kanilang baril ang bala ay tingga

At kadalasan pa ang pulbura ay basa

Hindi pa uubra sa sumpak at pana

 

Dating sikat noon itong putong pulo

At dinadakila bayaning Doktor Pio

At angkang Deato sa baya’y namuno

Na ang ibinunga ay pagkakasundo

 

 

Si Miss Dely Reyes ay ulirang guro

Matapat magmahal sa bayan ng Pulo

Ang buo niyang buhay laan sa pagturo

Upang kabataan hindi masiphayo

 

Ating ipagbunyi Mrs. Rene Castro

Mapagpalang ina ni Elvi at Reynaldo

Nagmula sa angkan ng mga Suatengco

Dapat ikarangal nating taga Polo

 

Ang butihing maestro – Narciso Correa

Hindi kinukupasan ng kisig at sigla

Siya’y nagsilbing gabay ng mga eskuwela

Humubog sa isip, nagdulot ng saya

 

Ang “Pepe en Pilar” unang aklat namin

Na ang mga bobo hirap pang basahin

Mga laro noon ay piko at bending

At ang luksong-lubid para sa tabain

 

Paaralang ito ay naging punlaan

Nitong magagandang diwa’t kaisipan

At naging sandigan ng kaugalian

Na taglay pa natin sa kasalukuyan
 

Panaderya noon itong kay Mang Pitong

Na ang specialty boling na malutong

At sa ating bayan tuwing prusisyon

Tiyak nasa huli itong si Mang Berong

 

Sa ating simbahan ang kura paroko

Ay si Pari Dencio na boses soprano

Kapag nagsermon na, tahimik ang templo

Pagkat naghihilik ang mga deboto

 

Grupo ng musiko noon ay dalawa

Banda otsenta’y dos ang tawag sa isa

Ang Premiere Band naman ay musikong bata

At si Maestrong Meding ang namamahala

 

Doon sa plaza ay may meryendahan

Ang nagmamay-ari ay ang Pamilya Juan

Mayroon ding tindang pangkabayo

Kutserong si Goryo ang sinusuplayan

 

Mga manggagamot sa buhay nagdugtong

Si Doktor Victorio at si Doktor Emong

Singil sa konsulta ay dos pesos noon

Libreng labatiba at injection

 

Ang principal noon – Fidela Domingo

Si Mr. Correa– ang idolong maestro

Guro sa gardening si Mr. Leoncio

Ang janitor naman ay si Mang Amando

 

Ang teachers sa Grade six: Miss Clara Guevarra

Placer Agustines – mahinhing dalaga

Si Gayang Anselmo – guro sa musika

At Irene Castro – ang huwarang maestra


Mga unang leksiyon sa Aritmetika

Ingles, Balarila, pati Siyensiya

Mabuting ugali at musika

At mga aralin na pang-ekonomiya

 

Dito rin sumibol pakikipag-kapwa

Sa ating lipunan ay gabay ng madla

Buong pagkatao tumibay na bigla

At handang sumuong sa buhay sa lupa

 

Ang pasasalamat at pagpupugay

Ay hindi pa sapat na maiaalay

Ang marapat lamang habang tayo’y buhay

Mga simulain laging kaagapay

 

Katulad ng anak noo’y lumisan

Ngayo’y tutuntunin ang dating tahanan

Anumang tagumpay na kaniyang nakamtan

Ialay nang buong kapakumbabaan

 

Kaya tayo ngayon ay magsama-sama

Ating ipagbunyi paaralang sinta

Habang nabubuhay ay aalayan siya

At panatalihin kaniyang alaala