Skip to main content

VALENZUELA CITY, USA

Celebrating 25 Years Of Service

Home
About Us
Message Of The President
History Of Valenzuela
Historical LandMarks
Polo The Beautiful
Board Of Directors
Members
Poems & More
Tribute To Resty Bautista
Memory Of Alice Bautista
Ako Ay Pilipino
Ang Huling Pangako
Dekada Singkwenta
Pamamaalam
Ating Kapisanan
Remember Ondoy
Life After Retirement
Reflection By Lorena m. E
In The Course of Life
Remembering Tatay Pito
Tula Para Kay SID
In Remembrance Of Emil Me
Valenzuela..Noon & Ngayon
Gabay Ng Tahanan
Meetings and Activities
Northern California
Photo Gallery
Video Gallery
In Loving Memory
Bulletin Board
The Link
Contact Us
Member Login
Paggunita sa Dekada Singkwenta (Ng mga Edad Sisenta)
Tula Ni Ramon C.Marcelino
Polo Elementary School Class Of 1955

Ngayon ay naganap ang ating reunion

Matapos magdaan ang maraming taon

Lubhang matagal nang hinog ang mga panahon

Muling pagkikita nating magka-Section

 

Apatnaput walong taon ang lumipas

Mula nang lisanin ang ating Grade Six class

Tuloy nang tinahak kani-kaniyang landas

Upang matagpuan – nakalaang bukas

 

Magkakaeskuwela, magkakabarkada

Iba-ibang baryo pinagmulan nila

Coloong, Tagalag , Balangkas at Isla

Palasan, Poblacion, Pariancillo-Villa

 

Malanday, Mabolo, Arko, Karuhatan

Pasolo at Pulo, Bisig, Dalandanan

Tanging karitela ang siyang sasakyan

Marami rin naming naglalakad na lamang

 

Di pa noon uso ang mga tsinelas

Suot ng mga babae’y mga bakyang pigtas

Ang lalaki naman laging nakayapak

Kaya talampakan nagkabiyak-biyak

 

Ibang-iba noon halaga pera

Sa diyes sentimos may coca-cola ka

Kung mayroong bente abot sa Luneta

Sa Halili Transit o sa La Mallorca


Ang ilalahad ko ay may kahabaan

Kaya’t sumalampak at ako’y pakinggan

Isang basong tubig ako’y inyong bigyan

Baka sa bunganga laway maubusan

 

Ang tula kong ito ay limampung saknong

Kaya nang mayari ay hilong talilong

Napingkaw ang kamay, dila ay umurong

Parang malasadong matalino’t gungong

 

Kung sa pagkainip merong makatulog

Kumuha ng toothpick at nang ipangsundot

At kung sa boses ko kayo’y mabulabog

Magbatuhan na lang kamatis na bulok

 

Mga kaeskuwela ang aking pauna

Ang tangi kong hangad kayo’y mapasaya

Kung lumabis naman ang inyong pagtawa

Kapag kinabagan, kayo’y magpasensiya

 

Kung may tatamaan ng aking pilantik

Kahit mainsulto huwag magalit

Kung gustong gumanti hilingan ang langit

Na ang inyong lingkod tamaan ng lintik

 

Ramon Marcelino likas na tahimik

Akala ng iba’y laging nag-iisip

Hindi nila alam madalas maghilik

At ang kanyang diwa’y nasa himpapawid

 

Mahilig kumatha sari-saring tula

Kaya sya ngayo’y mukhang tulala

Minsan magkasakit na lubhang malala

Muntik ng arborin nitong si Bathala


Rogelio Acuña tanyag sa Pasolo

Angkan ng mayaman at lahing mestiso

Di matatawaran bait at talino

At ginagalang sa kanilang baryo

 

Ang napangasawa mula sa malayo

Hindi natin alam kung saan nagtagpo

Anak na doktora sa buhay niya’y ginto

Siyang umaagapay sa sakit sa puso

 

Itong si Julieta ating tesorera

Bihasang maghawak nitong ating pera

Mabait, mahinhin saka relihiyosa

Ang problema lamang ay wala pang “papa”

 

At ang binibini ng baryo Tagalag

Si Estrelita nga marunong, marilag

Di rin makatagpo ng tangi niyang liyag

Ang ganda pa rin niya ang namamayagpag

 

Tala ng Coloong si Flor Villarica

Paglilingkod sa Diyos ang sa kaniya’y una

Kaway ng pag-ibig ay di alintana

Panatag mamuhay kahit nag-iisa

 

Ang tatlong dalagang kaeskuwela natin

Parang Tatlong Mariang gagabay sa atin

Tulong sa pagpawi, problema’t panimdim

Upang kasamahan muling pasayahin

 

May pag-asa pa ba sila’y mag-asawa

Upang makarating sa kaibang Glorya

Sana balang araw dumating din ang grasya

Sila ay makasal sa edad sisenta


Kahit nagmula pa sa malayong Ugong

Pinagsisikapang sumipot sa pulong

Akala ng anak laging may “reunion”

Madalas bumabiyahe na patungong Hongkong

 

Si Mrs. Emiliana ang musa ng Arko

Sa lahing Urrutia siya ang pambato

Sa kanyang tindahan “welcome” lahat tayo

Basta babayaran kanin at menudo

 

Leticia Machucar saksakan ng hinhin

Pati ang katawan ay sobra sa slim

Sa pagnenegosyo dapat ay purihin

Katuwang ang kabiyak mandi’y masintahin

 

Estrelita Delfin esposo si Tenong

Masipag dumalo sa ating papulong

Si Yolanda Martin handa sa pagtulong

Ating simulain – ikalat, isulong

 

Si Sally at Angeles ay siyang magsing-irog

Mula pagkabata sabay na sa tugtog

Maligaya pa rin diwa ay matayog

Hangad makarating doon sa tugatog

 

Amading Bautista ay maaasahan

Upangang layunin isakatuparan

Kanyang pinangarap maglingkod sa bayan

At mapanatili angking karangalan

 

Si Joey Cebuma laging nakamotor

Sa paglalakbay niya ay pasipol-sipol

Ang pagsisikap niya sa pamilya ukol

Sa paghanap-buhay ay palaging gahol

 

Sa ating samahan ay may tatlong Pito

Kulang pa ng apat para pito-pito

Sa baryo ng Balangkas nagmula ang “trio”

Sa gawang mabuti sila ay aktibo

 

Joe Evangelista ay dating kapitan

Sikap sa trabaho’y di matatawaran

Si Jose Bautista macho ng looban

At si Agapito tapat sa simbahan

 

Kasama din natin si Nestor Nolasco

Pacita Bautista, Carmen Marcelino

Aproniano Santos, itong si Norberto

Pamilya ng Joaquin, pinsan ni Rolando

 

Sa Coloong naman ang Jose’y dalawa

Ikinabubuhay ay ang pagtitinda

Itong Jose Marcos, kasangkapan, tela

Si Jose Mercado, pansit at bibingka

 



Si Jorge Bautista nasa Mandaluyong

Doon siya sa labas at di nakakakulong

Kapag sinabihan na may pagpupulong

Mahirap asahan pagkat urong-sulong

 

Mariano Enriquez na ngayon ay Marco

Tumungo sa Hawaii naging amerikano

Ngunit taglay pa rin ang dati niyang punto

Kaya’t halata ring nagmula sa Polo

 

Mga teachers noon: Narciso Corea, Placer Agustines at Clara Guevara

Si Gayang Anselmo, Lolita Valenzuela, Si Irene Castro at Maestro Pacita,

 

Adelaida Reyes, Mr Leoncio, Lydia Panganiban, Canding at Kika Santiago

Lolita Rivera, Felisa Hipolito, Mrs. Tibay Nicolas at Trining Anselmo

 

Marami sa atin – Senior Citizens na

Mayroong may high blood, iba’y may rayuma

Kaya dapat lamang na muling magkita

Upang sariwain dating pakikisama

 

Masarap isipin ang pinagdaanan

Dating kaibigan at ang katuwaan

Hindi na babalik – ating kamusmusan

Alaala na lang ang siyang naiwan

 

Ibang kasamahan maigsi ang buhay

Kanilang nilisan ang mundong ibabaw

Sana, payapa na ang kanilang lagay

At natakasan na ang dusa at panglaw

 

Tayong naririto – lubhang mapalad pa

Pagkat may biyayang tuwa at pag asa

Ang grasya ng mundo ay tinamasa

Nalampasan pa hirap at problema

 

Kaya tayong lahat ay laging magsikap

Upang makamit na ang ating pangarap

Ating paghandaan taong Two Thousand Five

Lahat tayo’y muling magtagpo, magyakap


Kanyang buhay ay masalimuot

Tignan mo ang mukha at palaging lukot

Lagas na ang ngipin sa kasisimangotTuloy nagmistulang kuping na torotot

 

Itong si Mr. Suave – Rodelio Herrera

Pinagpantasyahan ng mga dalaga

Sa tikas at kisig ay machong-macho siya

Sa loob ng bahay siya’y mayordoma

 

Akala ng iba siya ay tigasin

Iyon naman pala’y laging tiga-saing

Tigapamalengke sahog sa lutuin

Habang nasa abroad, komadronang darling

 

Hindi mawawala ang pagkagalawgaw

Ang lakas ng boses abot sa Marilao

Laging umiiral ang masiglang galaw

Pantanggal ng antok, pamawi ng panglaw

 

Kanyang bukang bibig “Sagot ko sa huli”

Pangkalma sa mga hindi mapakali

Pero kadalasan, kantyaw tumitindi

Sa mga problema’y bagsakan ng sisi

 

Itong si Armando ating sekretaryo

Sa kanyang barangay siya’y tila tesorero

Sa musika naman siya’y tila maestro

Hanggan sa tumanda isang solitaryo

 

Ano naman kaya ang kanyang panata

Mamuhay mag-isa ayaw mag-asawa

Sayang ang panahong lumipas sa kanya

Sa angking talino walang magmamana


Si Azucena Lee lubhang pasensiyosa

Sa pagpapakain sa ating barkada

At ang katulad niya ay si Tandang Sora

Sa katipunero’y nagpapameryenda

 

Ang Hongkong Restaurant laging nakalaan

Upang pagdausan ng ating tsismisan

Madalas pa’y meron tayong lalantakan

At ang mga nguso ay mamantikaan

 

Upang makaganti sa kanyang tangkilik

Si Zeny’y ihanap ng ikalawang langit

Sana’y pakinggan siya tawag ng pag-ibig

Baka manariwa bulaklak na plastic

 

Carmeling Lorenzo isang komadrona

Sa “family planning” siya’y kontrang-kontra

Pero kadalasan nagiging ninang siya

Kaya tuwing Pasko’y malaking problema

 

Zeny Vardeleon matibay na gabay

Sa ating samahan ay umaalalay

Kahit sa malayo kanyang nilalakbay

Upang makatagpo mga istariray

 

Marami siyang alam sa pagkaing payak

Pantulong sa taong sa gamot ay salat

Kahit magkasakit at nangangayayat

Matatag sa buhay, puso ay busilak

 

Nieves Baldomero ngayo’y Mrs. Cuadra

Puno ng sigasig, sakbibi ng sigla

Hindi kumukupas ang bait at ganda

Sa lumang palengke siya’y tila reyna


Lahi ng bayani Bonifacio Roxas

Ekspertong gumawa ng mga alahas

Hindi iginupo ng hirap at malas

Kaya ang buhay nya ay maaliwalas

 

Si Marcial Bautista biglang umalagwa

At kanyang tinungo itong Amerika

Ang layunin ata ay magnegosyo siya

At balak magbenta – tabo at arinola

 

Barangay Tagalag suwerteng pinagmulan

Mga binibining tala ng lipunan

Kilala sa ganda saka kasipagan

Naging inspirasyon ng mga kalalakihan

 

Kabilang na rito si Angelina

Zenaida, Arsenia at si Carmelita

Itong si Elvira at si Rosalina

Hindi pahuhuli, si Miss Estelita

 

Itong Elvira ang mutya ng Pasig

Sa ating samahan ay may pananalig

Kapag masabihang merong pagniniig

Sa tuwa at sigla siya’y nanginginig

 

At si Carmelita ay makulay ang buhay

Ang kahalintulad ay sariwang gulay

Hindi kumukupas alindog na taglay

Asawang si Martin ay pirming alalay

 

Zenaida Urrutia palaging masaya

Tila sa buhay niya walang problema

Siksik na katawan tila nagbabadya

Pinagkalooban – isang bilaong grasya


Ibang kaeskuwela di ko na binanggit

Nangangamba akong baka may magalit

Ako’y ipakulam sa bruhang masungit

Dila ko’y lumawit, mata ko’y tumirik.